Para sa sahod, trabaho, at karapatan sa paggawa: “piliin ang maka-manggagawang kandidato sa Mayo 9”—CPDG

May 1, 2022

Youth groups join Labor Day mobilization on May 1, 2022/Photo Credit: Mayday Multimedia/Francis Jerimiah Manaog

Pinagpupugayan ng Council for People’s Development and Governance ang magigiting na manggagawang Pilipino na patuloy ang pagsusulong ng mga panawagan at kampanya para sa disente, at sustinableng hanapbuhay sa buong bansa.

Malaki ang tungkulin ng mga manggagawa sa pagtataguyod ng ekonomiya ng bansa. Kaugnay nito, sila rin ang pangunahing apektado ng pambansang krisis dahil sa napakababang pasahod, kawalan ng karapatan, at iba pang ‘di makataong pagtrato dulot ng mga patakarang inuuna at mas pinahahalagahan ang kapakanan ng malalaking korporasyon.

Ayon sa pagsasaliksik ng International Trade Union Confederation-Asia Pacific (ITUC-AP) gamit ang kanilang SDG 8 composite monitor, mababa sa tinatayang iskor na 100% bilang nararapat na world average ang naging kabuuang grado sa paggana ng SDG sa bansa. Ang ‘Economic wellbeing’ ay mayroon lamang 96.90% mula sa inaasahang world average na 100%. Ang ‘Employment quality’ naman sang-ayon sa parehong pag-aaral ay may 95.95%. Sa ‘Labour Vulnerability’ ay 96.15, at ang ‘Labor rights’ naman ay nagkamit ng pinakamababang puntos na 85.52%.

Ang kahalagahan ng nakabubuhay, disente, at sustinableng empleyo o trabaho sang-ayon sa Sustainable Development Goal 8 (SDG 8) ay malalim sapagkat kaugnay nito ang iba pang isyung pang-ekonomiya na dinaranas ng mamamayan. Pangunahin dito ang kahirapan at kagutuman. Ang kawalan ng maayos na hanapbuhay, at kawalan ng  kasiguruhan sa trabaho ay hindi lamang pipigil sa pagkamit ng mga target ng SDG 8, kundi pati na rin sa SDG 1 (Pagsugpo sa kahirapan) at SDG 2 (pagsugpo sa kagutuman).

Bago pa ang pandemyang COVID-19, ipinagmamalaki ng administrasyon ang paglago ng ekonomiya mula sa iba’t-ibang patakarang neoliberal na isinulong nito gaya ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion Law ngunit malinaw na hindi nito itinaas ang kalidad ng buhay ng mamamayang Pilipino sapagka’t ang prinsipyong ‘trickle down’ ng ekonomiya ay dekada nang napatunayang hungkag. Lalo’t nananatiling mababa ang pasahod at kontraktwal ang kalakhan ng trabaho. Sa inilabas na pagsasaliksik ng IBON Foundation, ang administrasyon ni Duterte ang may pinakakaunti at pinakamababang pagtataas ng minimum na sahod.

Ayon pa sa ulat ng United Nations Human Rights Office, hindi bababa sa 248 na human rights defenders kabilang na rito ang mga unyonista sa mga pagpaslang noong 2015-2019 at patuloy pang tumaas ang bilang ng mga ito sa pagtungtong ng taong 2020 hanggang kasalukuyan. Hiwalay pa rito ang bilang ng mga gawa-gawang kaso, iligal na pag-aresto, intimidasyon at iba pang paglabag sa karapatan sa pag-uunyon.

Sa gitna ng tumitinding krisis na dinaranas ng mamamayan at manggagawa, nagbibigay ng pagkakataon ang halalan sa Mayo 9 upang paigtingin ang mga panawagan para sa karapatan at benepisyo ng mga manggagawa. Ang krisis at suliranin ng mga manggagawa ay makakayanang matugunan kung ang susunod na ihahalal ay may kongkretong plano, dikit-bitukang pagtugon sa daing ng mga manggagawa, at ang pagkilala sa kanilang mga karapatan. Krusyal ang halalan sa Mayo 9 kaya kailangang maging mapanuri sa pagboto ang bawat Pilipino upang mahalal ang mga kandidatong may platapormang tumutugon sa mga pangangailangan at hinaing ng manggagawa. Mangyayari lamang ito kung matutupad ang kagyat na pangangailangang pigilan ang posibilidad ng pagpapatuloy ng tiraniko at pabayang paggo-gobyerno sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon. #