Pagpupugay kay Tatay Elmer Cordero: Tsuper at Bayani ng Mamamayan

October 14, 2026

Taas-kamaong nagpupugay ang Council for People’s Development and Governance (CPDG) sa buhay, pakikibaka, at walang-maliw na dedikasyon ni Elmer Cordero, o mas kilala bilang “Tatay Elmer” ng PISTON, na pumanaw noong ika-7 ng Oktubre 2026 sa edad na 78.

Si Tatay Elmer ay hindi lamang isang tsuper. Siya ang buhay na patunay ng dangal at katatagan ng sektor ng transportasyon at ng buong mamamayang Pilipino. Hanggang sa huling hininga, nanatili siya sa unahan ng laban para sa karapatang pang-ekonomiya, panlipunan, at pangkultura. Ipinagtanggol niya ang kabuhayan at disenteng pamumuhay ng mga tsuper at komyuter. Iginiit niya ang kaunlarang makatao at makatarungan, na nakabatay sa karapatang pantao at hindi sa pakinabang ng iilan.

Mula sa kanyang tapang bilang bahagi ng PISTON 6 noong pandemiya, hanggang sa patuloy niyang pagpapasada at pagmamartsa para sa karapatan sa kabuhayan, ipinakita ni Tatay Elmer na nagsisimula ang tunay na kaunlaran sa paggalang sa karapatan at dignidad ng mga batayang sektor.

Maiiwan man niya ang manibela, mananatiling gabay ang kanyang aral sa ating sama-samang paggigiit para sa katarungang panlipunan, pantay na karapatan, at tunay na pambansang kaunlaran.

Maraming salamat at paalam, Tatay Elmer. Ang iyong bakas sa kalsada ng pakikibaka ay magpapatuloy sa ating sama-samang pagpapasada para sa karapatang pantao at katarungan. #