Tunay na reporma sa lupa, panawagan pa rin ng magsasaka sa ika-36 taon ng Mendiola Masaker

January 23, 2023

Sa ika-36 taon ng paggunita sa Mendiola massacre idinaos ang forum na pinamagatang “Land Reform is Peace: Forum Discussion on Pursuing Genuine Land Reform and Just Peace” nitong ika-22 ng Enero 2023., Tatlumput anim na taon na ang nakalipas, tampok pa rin ang usapin sa kawalan ng karapatan ng mga magsasaka sa lupang sinasaka at ang huwad na pagpapatupad ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) ng mga nagdaang administrasyon. 

Tatlumpu’t anim (36) na taon na ang nakalilipas nang humantong ang mapayapang protesta sa pagkamatay ng 13 magsasaka sa paanan ng Mendiola. Bitbit ang mithiin para sa tunay na reporma sa lupa, nagmartsa ang mahigit 15,000 magsasaka, manggagawang-bukid, pesante, at mga aktibista noong Enero 22, 1987 sa pag-asang sila at ang kanilang mga panawagan ay diringgin ng dating pangulong Corazon Aquino matapos ng napakahabang panahon sa ilalim ng diktadurya ng rehimen ni Ferdinand Marcos Sr. Taliwas sa inaasahan ang marahas na pagsalubong ng Malacañang.

Ayon kay Rafael “Ka Paeng” Mariano – dating Department of Agrarian Reform Secretary at kasalukuyang Chairperson Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas – noong 1972, makaraan ang wala pang isang buwan na pagpapatupad ng Presidential Decree no. 2 na ang layon ay ideklara ang buong bansa bilang pook ng reporma sa lupa, sunod na agad inihain ni Ferdinand Marcos Sr. ang Presidential Decree no. 27 o ang tinatawag na “tenants emancipation decree”. Salungat sa panukala, hindi nito sinaklaw ang mga lupaing nasa kontrol ng malalaking multinasyonal o agro-corporations bagkus ay ang mga sakahan lamang na may mga tenante, mga kasamá, o namumuwisan at mga lupaing primaryang itinatanim ay palay at mais.

Rafael “Ka Paeng” Mariano, dating Kalihim ng DAR at kasalukuyang Chairperson Emeritus ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas.

“Mahigit 3 milyong ektarya na lupain kaagad ang naiiwas ng mga hasyendero sa ilalim ng dekreto ni Marcos Sr. Pero noon pa man ay malakas na ang kahilingan ng mga magsasaka na tuparin ang libreng pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, at pagbababa ng upa sa lupa bilang minimum na programa ng pagpapatupad sa tunay na reporma sa lupa” dagdag ni Ka Paeng. 

Nagbahagi naman ng mga personal na karanasan sa naganap na Mendiola Masaker ang mga nakaalpas sa malagim na pangyayaring ito at mga kapamilya ng ilan sa 13 na nasawi.

Pahayag ni Tessy Arjona, asawa ni Danilo Arjona – isa sa 13 nasawi sa Mendiola Masaker – “36 taon na ang nakakalipas, maraming administrasyon na ang nagdaan subalit hanggang ngayon ay bigo ang pagkamit ng hustisya para sa akingasawa”.

Tessy Arjona, byuda ni Danilo Arjona – isa 13 magsasakang nasawi noong Mendiola Massacre.

Binanggit naman ni  Zenaida Soriano mula sa Amihan at isa sa mga surbaybor ng masaker na ang pagpapatuloy ng mga neoliberal na batas sa agrikultura ay kumikitil sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at mga manggagawang-bukid. Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagkakaisa ng mga konsyumer at prodyuser bilang susi sa pagkakaroon ng tunay na katiyakan sa pagkain. 

Zenaida Soriano, Chairperson ng Amihan at sorbaybor ng Mendiola Massacre

Si Eli ay isang kabataan mula sa Lupang Ramos na maagang nakasaksi ng mga pangyayari sa kanilang lupain kung kaya’t maaga rin nitong natutunan ang tumindig para sa kanilang lupang sakahang matagal nang pinagkakainteresan ng mismong mga nanunungkulan sa pamahalaan. Ibinahagi ni Eli ang naging pagbabaliktanaw ni Nanay Miriam Villanueva – isa rin sa mga nakaligtas at noon ay 17 anyos pa lamang – sa naging karanasan bago nangyari ang pagpaslang ng pwersang pang-estado sa 13 magsasaka sa Mendiola. Mahirap pa rin para kay Ka Miriam ang paulit-ulit na alalahanin ang detalye ng malagim na karanasan ngunit para sa kaniya ay hindi naging mahirap intindihin ang karanasan ng mga magsasaka bilang siya mismo ay biktima nito.

Si Eli, isang kabataan mula sa Lupang Ramos sa Cavite ang nagsalaysay ng kwento ni Nanay Miriam Villanueva na isa ring sorbaybor sa Mendiola Massacre.

“Ang mga karanasang ito ay hindi malayong mai-ugnay sa hindi pa muling naitutuloy na usaping pangkapayapaan sa bansa”, ayon kay Renato Reyes – Secretary General ng Bayan. “Sa halip na tugunan ng pamahalaan ang karaingan ng mamamayan nagpapatuloy ang hindi pagkilala at pag-aalis ng karapatang pantao ng mamamayan.  “Makakamit lamang ang tunay na kapayapaan at panlipunang hustisya sa pamamagitan ng pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa”, sambit ni Reyes.

Renato Reyes, Secretary General ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan)

Matapos ang programa nagmartsa ang mga organisasyong kabilang sa programa mula sa pinaglunsaran ng aktibidad sa Sampaloc, Manila patungong Mendiola bitbit ang mga panawagang hustisya para sa mga biktima ng Mendiola Masaker at pagpapatuloy ng usapaing pangkapayapaan.#eof#

#MendiolaMassacre36, #LandReformIsPeace, #GenuineAgrarianReform.