
Walang national minimum wage sa Pilipinas—isang kasuklam-suklam na reyalidad. Mula nang itaguyod ang regional wage board, pinag-iba-iba ng estado ang minimum wage sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Sa ngayon, pinakamataas sa National Capital Region, at pinakamababa naman sa Ilocos region, MIMAROPA, Eastern Visayas, at BARMM. Bakit iba-iba ang minimum wage sa iba’t ibang rehiyon—mas maliit ba ang sikmura ng mga naghahanapbuhay sa Samar kaysa sa Maynila? Libre bang napipitas sa puno ang sabon sa Palawan, hangin ba ang gasolina ng mga traktor sa Pangasinan? Kung tinupad lamang ni Pangulong Duterte ang ipinangakong patas na pagtrato sa iba’t ibang rehiyon, hindi sana nagkukumahog ang sahod sa ibang bahagi ng bansa.
Pero maski minimum wage sa Maynila ay hindi nakabubuhay. Kung ang P537 pa lang ng Maynila ay malayong-malayo na sa family living wage na P1,900, mas malayo pa ang P295 ng Leyte, ang P294 ng Mindoro, ang P290 ng Cotabato, ang P280 ng Ilocos. At ang ganitong abang sitwasyon ay sitwasyon pa lamang ng mga manggagawang may sahod na pumapalo sa minimum. Gaano pa kaya kasahol ang pinagdaraanan ng mga manggagawang malaalipin ang kondisyon, nagtitiis sa sistemang pakyawan o sa kahindik-hindik na piece rates? Imbis na ibsan ang kanilang paghihirap, tinalikuran pa ni Pangulong Duterte ang pangakong wakasan ang endo, at lalong isinubo ang mga manggagawa sa ibayong pagsasamantala.
SAHOD BARYA, TRATONG BARYAS
Sa kanayunan, pangkaraniwan na ang sumahod ng barya, lalo na sa mga asyenda’t plantasyon. Sa mga tubuhan ng Isabela, halimbawa, kakarampot ang kinikita ng mga manggagawa: P16-50 sa pagdadamo, P40-P70 sa pagtatanim, P150 sa paglalagay ng pataba, P94 sa paghahawan, at P250 sa pagtabas. Alinman sa mga ito ay inaabot ng isang buong araw; alinman sa mga ito ay hindi aabot sa regional minimum wage ng Cagayan Valley na P345-P370. Salat na nga sa ligal, salat pa sa nakabubuhay. Bumababa pa nga hanggang P9 ang kita ng isang sakada sa isang araw. Kalunos-lunos. Bakit nagbubulag-bulagan ang rehimeng Duterte sa gayong kaayusan?
Sa pagsirit ng presyo ng mga bilihin, sadyang hindi sasapat ang kaunting kinikita ng manggagawang agrikultural. Nang magpataw ng panibagong MECQ sa NCR Plus, nangako ng ayudang P1,000 ang pamahalaan sa mga apektado; ngunit bukod sa kakarampot ang P1,000, napakalimitado rin ang bilang ng tumatanggap nito, hindi lalabas sa saklaw ng MECQ. Kagyat ang panawagang P100 wage relief kada araw, bukod sa P10,000 ayuda sa bawat pamilya. Makatwirang igiit ng mamamayan ang karapatan sa ayuda sa gitna ng krisis—ayudang ipinagkakait ng rehimeng Duterte.
NAGKAIT NA NG KITA, NAGKAIT PA NG LUPA
At hindi nagtatapos sa sahod ang suliranin ng mga manggagawang agrikultural. Wala na nga silang kasiguruhan sa trabaho, wala pang kaligtasan sa mismong pagawaan. Maraming plantasyon ang tadtad ng samu’t saring kemikal na mapaminsala sa katawan. Ang mag-organisa’t mag-unyon para igiit ang mga karapatan ay tinitiktikan, nireredtag, at sinusupil. Minsan pa nga’y pinapatay. Kabilang sa hanay ng 326 na pesanteng biktima ng politikal na pamamaslang ang ilang unyonista’t manggagawang agrikultural. Asendero na mismo si dating Pangulong Aquino, pero tila mas asal-asendero pa si Pangulong Duterte.
Doble-dehado ang manggagawa sa kanayunan. Nariyan na nga ang problema sa paggawa, nariyan pa ang problema sa lupa. Kalakhan ng manggagawang agrikultural ang natulak sa relasyong sahuran dahil napagkaitan ng sariling lupang sakahan. 70% ng lahat ng magsasaka ay walang sariling lupa, at sa populasyong ito nagmumula ang maraming manggagawa sa mga asyenda’t plantasyon. Kaya naman katambal ng panawagan para sa P750 national minimum wage ang panawagan para sa tunay na reporma sa lupa. Pero bukod sa hinayaan ni Pangulong Duterte na tabunan ng agiw ang Genuine Agrarian Reform Bill sa konggreso, nagnanais pa siyang ipagpatuloy ang huwad na reporma sa lupa na sinimulan ng mga Cojuangco-Aquino.
MAKIBAKA SA PILING NG ANAKPAWIS!
Sa pagsapit ng Araw ng Paggawa, isaisip natin ang pinagdaraanan ng mga mangggawa sa agrikultura, at isapuso ang kanilang aspirasyon para sa lupa, sahod, trabaho, ayuda, at iba pang mga karapatan. Samahan natin sila sa pagtangan sa dakilang layunin ng pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba. Sa alyansang magsasaka at magbubukid nakasandig ang kinabukasan ng bansa, at ang mga katangian ng dalawang batayang sektor na ito ay nagtatagpo sa katauhan ng manggagawa sa agrikultura. Nasa interes ng manggagawa sa agrikultura ang pabuwag sa pasistang rehimeng, at nasa interes ng mawalak sambayanan ang pagpapatalsik kay Duterte.
P100 emergency wage relief, ibigay na! Ayudang P1k, di sapat; P10k dapat!
#750NWM, ngayon na!
Tunay na reporma sa lupa, ipaglaban!
#LandToTheTillers now!
Asyenda, buwagin! Plantasyon, baklasin! Duterte, patalsikin! #OustDuterte!