Tila hindi kabilang ang mga konsyumer sa ‘Greater Many’ ng DA Sec? — SUKI Network

May 11, 2021

Collage from SUKI Network Facebook post

Sabi ni agriculture secretary William Dar, binabalanse ng Department of Agriculture ang mga patakaran sa sektor, at para daw sa ‘greater good of the greater many’. Pero ayon sa SUKI Network, tila hindi kasali sa ‘greater good’ na binabanggit ng upisyal ang mga tagapaghatid ng pagkain natin – magsasaka, magbibigas, magbababoy, magmamanok; at lalung-lalo hindi yata kasali sa ‘greater good’ ang mga katutubo at konsyumer.

Ayon sa SUKI, gaya sa maraming bagay, idinadahilan ng gubyerno ang konsyumer sa mga patakaran tungkol sa pagkain. Kapag daw nag-import at binabaan ang tax sa import, bababa ang presyo – bigas man o karne.

Pero katunayan, ayon kay Malu Fabella ng Manila Bay Thread Union sa press conference ng mga grupo sa agrikultura kontra sa idadaos na food security summit ng Department of Agriculture, kahit pa i-press release na bumababa ang inflation, hindi ito ramdam ng bulsa ng maraming konsyumer na walang trabaho, kulang sa sahod, o di tiyak ang kabuhayan. Ibang usapan pa na hindi naman garantisadong bumababa ang presyo ng bigas o karne kapag nag-iimport.

Talo ang konsyumer sa patakarang maka-global market. Ayon kay Fabella, iniaasa ng gubyerno ang pagkain natin sa imports imbes na palakasin ang sarili nating agrikultura at produksyon ng pagkain. Dagdag na pasakit din na bababaan ang tax ng malalaking negosyante at dayuhang sangkot sa importation, pero ang konsyumer, kahit gaano ka-low-income, may palagiang tax na binabayaran sa samutsaring consumption goods. Anumang pinababang tax ng malalaking kumpanya’t importer ay perang nawala para sana maayudahan ang mamamayan.

Talo ang konsyumer sa patakarang maka-negosyo. Napakababa at nakapako ang sahod, ani Fabella. Nakadepende ang trabaho sa lilikhain ng malalaking negosyo at hindi yung bunga ng sariling industriyang Pilipino na naghahatid ng pangangailangan at serbisyo sa taumbayan. Dagdag sa pinabayaang agrikultura at pagkokomersyalisa at pamamayani ng malalaking corporations sa industriya ng pagkain, ang kawalan ng disenteng trabaho at makatarungang sahod ang mga balakid sa di pagkamit ng sapat, ligtas, at abot-kayang pagkain.

Kaya sinusuportahan ng SUKI ang panawagan na alisin na sa World Trade Organization at palayain sa dominasyon ng malalaking food and agro corporations ang agrikultura ng Pilipinas. Itigil na ang pag-asa ng sistema ng pagkain ng Pilipinas sa global market, palakasin ang sariling agrikultura at industriya sa pagkain.

Sa ngayon din, sa gitna ng krisis sa pandemya, ipinapanawagan din ng SUKI ang ayuda, libreng bakuna, pagpapalakas ng pampublikong sistema ng kalusugan. Buhusan ng suporta ang mga prodyuser natin maging sa bigas, hograising, poultry, pangisda, at iba pa.

Ito ang masasabing para sa ‘greater good of the greater many’. #