Hulyo 24, 2026 | Philippine Coconut Authority, Diliman, Quezon City – Tatlong araw bago ang ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., isinagawa ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Pagkakaisa para sa Tunay na Reporma sa Lupa (PATRIA) ang State of the Peasant Address (SOPA 2026) bilang pagtatasa sa kalagayan ng sektor ng agrikultura at ng mga magsasaka sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Nakiisa sa programa ang Council for People’s Development and Governance (CPDG). Isa sa mga pangunahing tagapagsalita si Ariel “Ka Ayik” Casilao, Board Member ng CPDG at Tagapangulo ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura (UMA).
Sa kanyang pagtatasa sa limang taong pamamahala ng administrasyong Marcos Jr., sinabi ni Casilao na “wala sa roadmap ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka, sapagkat ang mga lupang ito ay nakatakdang ilaan sa mga dayuhang mamumuhunan.”
Ayon pa kay Casilao, bukod sa nararanasang pag-atake ng mga peste sa pananim, lalo pang lumalala ang kalagayan ng mga magsasaka dahil sa pagtatayo ng mga huwad na development projects sa mga lupang sakahan at iba pang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan. Aniya, ang mga lehitimong pagtutol ng mga magsasaka sa mga proyektong ito ay sinasagot umano ng panunupil ng pamahalaan, kabilang ang pagdedepensa sa mga proyekto sa pamamagitan ng presensya ng mga yunit ng pulisya at militar sa mga komunidad ng mga magsasaka at manggagawang-bukid.

Mula sa dokumentasyon ng alyansang KARAPATAN, ibinahagi rin ni Casilao ang datos hinggil sa mga naitalang paglabag sa karapatang pantao sa bansa mula Hulyo 1, 2022 hanggang Marso 21, 2026. Ayon sa kanya, naitala ang 137 kaso ng extrajudicial killings (EJK); 873 iligal at arbitraryong pag-aresto; 16 kaso ng enforced disappearances; 59,284 insidente ng pambobomba; 70,028 kaso ng indiscriminate firing; 49,375 sapilitang pagpapalikas; 579 kaso ng peke o sapilitang pagpapasuko; at 10,837,122 kaso ng pagbabanta, pangha-haras, at intimidasyon.
“Karamihan sa mga biktima ng mga kasong ito ay mula sa hanay ng mga magsasaka at manggagawang-bukid. Higit pang titindi ang karahasan at panunupil sa kanilang mga karapatan, kabuhayan, at buhay, lalo na sa patuloy na pagpapalalim ng rehimeng Marcos sa mga bagong programang pang-ekonomiya na idinidikta ng gobyerno ng Estados Unidos. Kabilang rito ang Pax Silica Initiative sa Luzon Economic Corridor. Hindi tatahimik ang mga magsasaka; patuloy nilang ilalantad at lalabanan ang mga programang ito na kanilang itinuturing na kontra-magsasaka,” pagtatapos ni Casilao.
Samantala, sinabi rin ni Danilo “Ka Daning” Ramos, Tagapangulo ng KMP, na ang mga pag-atake sa mga lehitimong pagkilos ng mamamayan laban sa mga proyektong nakakaapekto sa kanilang kabuhayan at sumisira sa kalikasan ay may kaugnayan umano sa ipinatutupad na National Action Plan for Unity, Peace and Development (NAP-UPD), na patuloy na tinututulan ng iba’t ibang sektor.
Bilang tugon sa kinakaharap na krisis sa agrikultura, inilatag ng mga lider-magsasaka ang kanilang mga pangunahing panawagan sa pamahalaan:
- Maglaan ng sapat na pinansyal na suporta, lalo na ng subsidio para sa produksyong agrikultural;
- Magbigay ng libreng water pumps, mga pasilidad sa irigasyon, at post-harvest facilities;
- Itigil ang malawakang land-use conversion ng mga lupang agrikultural;
- Wakasan ang mga patakaran sa liberalisasyon ng agrikultura at iba pang neoliberal na polisiya;
- Isulong ang sistemang agroecology at likas-kayang pagsasaka; at
- Ipatupad ang tunay na reporma sa lupa.

Ang SOPA 2026, na may temang “Sadlak sa Krisis, Hitik sa Pagkakataon,” ay pormal na binuksan ni Dr. Marion Tan, Propesor ng Unibersidad ng Pilipinas–Manila at Co-Convenor ng PATRIA.
Dinaluhan ang pagtitipon ng mahigit 200 kinatawan mula sa iba’t ibang sektor at organisasyon na nagsusulong ng mga adbokasiya at kampanyang nagtataguyod ng pang-ekonomiko at pampulitikang karapatan ng mga magsasaka, manggagawang-bukid, at mangingisda. #