
“Wagi ang mga bata, kung pag-uusapan ang kapayapaan” iyan ang pamagat ng isang media forum na ginanap nitong ika-21 ng disyembre 2022, ilang araw bago sumapit ang pasko. Tinalakay rito ang iba’t ibang karanasan ng mga batang ibinunga ng bigong pangangalaga ng mga nagdaang pamahalaan sa kapakanan ng mga bata at kanilang pamilya.

Marami at halos parehas ang karanasan ng mga batang nagbahagi ng kanilang mga kwento. Magmula sa kawalan ng maayos na tahanan, ang epekto ng kundi man wala ay ang kakapusan ng sustinableng kita para sa kanilang pamilya, atake ng mga militar at kapulisan sa kanilang mga komunidad, pagbansag maging sa mga batang ito na sila ay ginagamit ng New People’s army, at ang pagmamaliit sa kanilang kakayanang mag-ambag sa pangkabuuang panlipunang pag-unlad dahil sa sila raw ay “bata” lang.
Lahat ng kasilumuotan sa isang lipunan ay maagang nasaksihan ng mga batang dapat ay nasa paaralan at ninanamnam ang bawat sandali ng pagkatuto, paglalaro, at pagiging bata na kanilang pundasyon upang tunay na mapatatag ang kanilang kumpyansa at resolusyon sa kanilang sarili at para sa kanilang komunidad.
Ang hiling ng mga batang ito para sa pamahalaan ni Pangulong Bongbong Marcos sa kapaskuhan at sa kinabukasan ay sumasalamin sa kahilingan ng buong mamamayang Pilipino.
Ang kapayapaang inaasam ng mga bata ay makakamit lamang kung may hustisyang panlipunan.
Ang pag-alaga at pagtitiyak sa kinabukasan ng mga bata ay pag-aalaga sa kinabukasan ng buong lipunan. Magwawagi lamang ang mga bata kung matutugunan ang mga batayang suliranin sa kahirapan at di pagkakapantay-pantay, kawalan ng trabaho at nakabubuhay na sahod. Kung maipapatupad ang tunay na repormang agraryo at makakamit ang pambansang indistriyalisasyon.###