Sa paggunita ng Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan, pinagtitibay ng Council for People’s Development and Governance (CPDG) ang panawagan ng mga organisasyon ng mangingisda na patuloy na lumalaban sa tumitinding banta sa kanilang kabuhayan at buhay. Patuloy na naghihirap ang maliliit na mangingisda—isa sa pinakamahirap na sektor—dahil sa pagpasok ng malalaking commercial fishing vessels sa kanilang municipal waters, mapanirang reclamation projects, at mga programang kumukuha ng yaman ng baybayin para sa interes ng malalaking negosyo.

Ayon sa pinakahuling datos, may higit 100 reclamation projects na sumasaklaw sa hindi bababa sa 30,000 ektarya ng kritikal na pangisdaan sa buong bansa. Ipinapakita rin ng datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) ang matinding pagbaba ng huli ng alimasag, dilis, acetes, sapsap, at samara (siganids) sa mga katubigang apektado ng reklamasyon gaya ng Cavite mula 2019 hanggang 2021. Sumasalamin ito sa lumalalang kalagayan: papaliit na huli, papaliit na pangingisdaan, at sistematikong panggigipit sa mga maliliit na mangingisda.
Lalo pang pinalalala ng dredging ang krisis. Sa Ilocos Sur, iniulat na mahigit 9,500 mangingisda sa Santa at Caoayan ang nalulugi ng malaki dahil sa seabed extraction ng mga pribadong kontraktor. Bago ang dredging, umaabot ng 100 lata (17L bawat lata) ng ipon ang nakukuha ng isang pagpalaot. Ngayon, halos 30 lata na lamang. Ganoon din ang pagbagsak sa huli ng kapiged at iba pang mga yamang dagat malapit sa baybayin. Hindi lang nito winawasak ang kabuhayan; pinapabilis din nito ang pagguho ng mga baybayin, sinisira ang mga tirahan ng mga yamang dagat, at pinapataas ang bulnerabilidad sa epekto ng climate change—na tumutugma sa matagal nang babala ng PAMALAKAYA na ang dredging at black sand mining ay “pumapatay sa dagat na nagpapakain sa ating bayan.”
Dagdag pa rito, may panibagong banta mula sa mga sumusulpot na “green” industries. Sa Ilocos Norte, ang planong 2,000 MW BuhaWind offshore wind project ay inaasahang makakaapekto sa mahigit 6,500 mangingisda sa Pasuquin, Burgos, Bangui, at Pagudpud. Ang 50-meter “no sail” exclusion zones ay maglilimita sa pagpasok ng mga mangingisda sa kanilang tradisyunal at ancestral fishing grounds, habang ang konstruksyon ay nagdadala ng pangmatagalang panganib ng pagkasira ng ekolohiya. Mahalaga ang renewable energy, ngunit hindi ito dapat maging tulad ng mapanirang modelo ng pagmimina at reklamasyon. Hindi maaaring ang “clean energy” ay magdulot ng maruming rekord ng pagpapaalis ng komunidad at pagwasak ng karagatan.
Ang krisis sa pangisdaan ay nag-uugat di pantay na pantay na pagmamay-ari at kontrol sa rekurso at yaman ng bansa; at lalong pinapalala ng malaking pagkukulang sa pamamahala—kung saan pinahihintulutan ang iligal na malakihang pangingisda, pinapabilis ang reklamasyon, at isinusulong ang mga proyektong mapaminsala sa baybayin. Sa ilalim ng impluwensya ng mga korporasyon, mahihinang regulasyon, at malabong proseso ng pagkuha ng permit, naisasakatuparan ang mga mapaminsalang mga proyekto kahit may mariing pagtutol mula sa komunidad, at kakulangan ng pagtatasa ng kapaligiran. Sa ganitong kalagayan, naisasantabi ang karapatan ng mga mangingisda at mas napapanigan ang interes ng iilan.
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Pangisdaan, iginigiit ng CPDG na ang tunay na pagtatanggol sa ating karagatan ay nangangailangan ng pagbuwag sa mga polisiya at proyektong inuuna ang tubo kaysa sa karapatan ng mamamayan at balanseng ekolohikal. Kaagapay ang panawagan ng mga mangingisda at PAMALAKAYA: Itigil ang dredging at reklamasyon; depensahan ang municipal fishing waters; isulong ang soberanya sa pagkain; at protektahan ang mga komunidad sa baybayin.
Ang laban para sa ating karagatan ay bahagi ng mas malaking laban para sa hustisya, demokrasya, at dignidad ng mga mangingisdang Pilipino na patuloy na nagpapakain sa sambayanan.#
AtinAngKinse #DefendFishersfolk #StopReclamation #SaveOurFisherfolk #ProtectOurSeas #SDG14 #UPR4MidtermReview #PeopleEconomics