Kinondena ng daan-daang manggagawa sa mga tubuhan sa Isabela ang mala-aliping sahod, kawalan ng benepisyo at maramihang pagtanggal sa trabaho dulot ng pagpasok ng mga hasyenda sa hilagang Isabela sa kontrata sa Green Future Innovations-Ecofuel.
Naghapag ng reklamo sa Sangguniang Panlalawigan ang mga manggagawa sa tubuhan sa Isabela sa pangunguna ng Unyon ng mga Manggagawa sa Agrikultura – Sta. Maria, isang Workers Association na rehistrado sa DOLE na affiliate ng Danggayan Cagayan Valley.
Humigit kumulang 1,695 ektaryang tubuhan sa hilagang Isabela at Timog Cagayan na pinakamalaki ay ang 685 ektaryang tubuhan ni Mayor Hilario Pagauitan ng Sta. Maria, Isabela ang sinasaka ng mga manggagawa. Mula Agosto 2019 ay sinaklaw ang mga tubuhan dito ng Green Future Innovations – Ecofuel Land Development Inc. na may planta sa San Mariano, Isabela.
Bago napasok sa bioethanol, tumatanggap sila ng arawang sahod na P200 para sa sari-saring trabaho sa tubuhan at ipinangako ni Mayor Hilario Pagauitan ng Sta. Maria na dadagdagan ito kung mananalo siya sa eleksyon. Matapos ang eleksyon ay ipinasok sila sa bioethanol at bumagsak sa napakababa na pakyawan ang sahod.
Sa Isabela natatanggap ang pinakamababang pasahod ng mga manggagawa sa tubuhan. Sa buong bansa ay karaniwang sahod na ang P386 kada araw.
Ang farm workers sa bioethanol sa hilagang Isabela ay nakakatanggap lang ng P16-50 sa pagdadamo, P40-70 sa pagtatanim, P150 sa paglagay ng abono, P75 sa patching, P63 sa de-strussing, P94 sa paglinis ng mga dahon at recutting at pinakamataas na ang P225-250 sa harvesting para sa isang araw mg trabaho.
Sa Wage Order No. RTWPB-02-20 noong Pebrero 4, 2020 na naging epektibo noong Marso 16, 2020 ay P345 ang arawang minimum wage sa rehiyon sa agrikultura at P5 lang ang naidagdag rito mula sa nakaraang taon. Sa Section 2 ng Wage Order ay nagsaad na aplikable ito sa lahat ng mga minimum wage na manggagawa at empleyado sa pribadong sektor, anuman ang posisyon, designasyon o status ng pagkaka-empleyo. Sa Section 5 naman ay nakasaad na sa mga nakakatanggap ng pakyawang sahod katulad ng karamihan sa farm workers, minimum wage pa rin ang dapat matanggap para sa walong (8) normal na oras ng pagtatrabaho o bahagi kung mas mababa sa 8 oras (PHP 43.125 kada oras).
Dahil napakaliit ng kinikita, halos hindi na mapakain ng sapat ang pamilya, hindi mapag-aral ang mga anak, napapabayaan ang kalusugan ng pamilya at di kayang paunlarin ang tirahan. Lalo na ngayon na nagtaasan ang presyo ng pangunahing mga bilihin dulot ng pandemyang Covid-19 at ilang buwang walang trabaho noong ECQ.
Napakabigat at mapanganib ang trabaho sa tubuhan nang lagpas lagpas pa sa oras na kaya ng katawan. Halos wala ng oras para sa pamilya. Kung naaksidente sa trabaho ay halos walang nakukuhang tulong medical. Walang payslip, sick leave, vacation leave, overtime pay, maternity benefits, death benefits, holiday pay, 13th month pay, SSS benefits at PhilHealth. Wala ring ipinagkakaloob na personal protective equipment tulad ng bota, gwantes, at iba pa.
Hindi rin nila natatamasa ang Social Amelioration Fund na naging batas panahon pa ni Marcos dahil wala sila sa Special CBF Payroll ng DOLE. Laganap ang mga paglabag sa labor standards at pagkait ng benepisyo. Wala ring katiyakan kung may trabaho at makakain pa ang mga pamilya nila kinabukasan o sa panahon ng off milling season sa Agosto dahil wala namang labor contract. Kahit ang Covid 19 – SAP mula sa Bureau of Workers in Special Concerns na nagbigay ng tig P1K para tulong sa pandemya ay mga taga Cagayan lang ang nabigyan. Gayundin ang hiniling nilang TUPAD ay ang mga kubrador ng jueteng ang priority na mabigyan, imbis na ang prudoktibong mga manggagawa.
Noong pinasok sa bioethanol ang mga tubuhan sa Sta. Maria ay 287 agad ang nawalan ng hanapbuhay sa hanay nila at ang iilang kinuha ng GFII-Ecofuel ay pinagtatrabaho na sa napakalalayong mga lugar, imbis na sa napakalawak na mga tubuhan sa Sta. Maria.
Ayon sa UMA, nararapat lamang na tugunan ng pamahalaan ang tungkulin nitong tiyakin ang nakabubuhay na sahod, sapat na benepisyo at kaseguruhan sa trabaho ng mga manggagawa sa agrikultura sa gitna ng papatinding pagsasamantala sa kamay ng mga hasyendero at planta at tumitinding krisis sa ekonomya ng ating bansa.
Kayat naglunsad ng kampanya ang UMA Isabela para sa nakabubuhay na sahod, sapat na benepisyo at pagbalik sa mga tinanggal sa trabaho. Gayundin ay nakikiisa ang UMA Isabela sa kahilingang P10,000 ayuda sa panahon ng pandemya. Idinudulog ng mga manggagawa sa Sangguniang Panlalawigan ang napakabigat na problema nila sa kabuhayan na pag-uusapan sa dayalogo sa araw na ito.