Nagpapatuloy ang laban ng SIKKAD K3

by Casey Cruz and Shirley Songalia

January 14, 2022

Noong ika-10 ng Disyembre 2021 ay muli kong nakita ang mga nanay ng pabahay. Sina Anafe Cainglet, Presidente ng San Isidro, Kasiglahan Kapatiran at Damayan para sa Kabuhayan, Katarungan, at Kapayapaan (SIKKAD K3), o mas kilala bilang Ate Tata ay nasa lumuwas sa Maynila kasama ang iba pang mga palabang nanay at kababaihan mula sa Kasiglahan Village para lumahok sa pagkilos. Huling mayor na pagkilos ito ng taon at magkakasama naming sinasalubong ang ika-73 anibersaryo ng International Human Rights Day ng protesta laban sa pasistang administrasyong Duterte.

Hindi ko akalain na makalipas ang halos isang taon ay muli kaming magkikita-kita. Mistulang reunion ang mobilisasyong ito dahil na rin sa walang katapusang lockdown at palpak na tugon sa pandemya ng gubyernong Duterte. Huli kaming nagkasama ni Ate Tata sa kasagsagan ng isang linggong relief effort na isinagawa ng Southern Tagalog Serve the People Corps sa Kasiglahan Village noong Nobyembre 29-Disyembre 3, 2020 matapos ang matinding pinsalan na iniwan ng Bagyong Ulysses. 

Ang pabahay o Kasiglahan Village ay matatagpuan sa Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal. Isa ito sa mga komunidad na palagiang nasasalanta ng malalaking baha dulot ng bagyo tulad ng Typhoon Ondoy, Rolly at Habagat. Tuwing mayroong malakas na pag-ulan ay kabado na ang mga residente dito dahil sa flash floods at pagkasira na rin ng kanilang mga gamit na naipundar dahil sa halos lagpas taong baha. Hindi rin maipagkakaila na doble pahirap ang kasalukuyang sitwasyon ng pandemyang Covid-19. 

Sa tuwing pagkatapos ng bagyo ay ga-tuhod na putik ang naiiwan sa loob at labas ng kanilang tahanan habang pagpipilian ang mga gamit na maisasalba, malilinis at maari pang magamit muli para makapagsimula.

Isa sa kababaihang miyembro ng SIKKAD K3 na nananawagan para sa Ayuda at Hustisya matapos ang Bagyong Ulysses, Nobyembre 30, 2020. 

Ang Kasiglahan Village ay magsisilbi sanang maayos at disenteng pabahay para sa mga maralitang lungsod mula sa Kamaynilaan na dinemolish ang mga bahay mula sa mga lupaing kinategorya ng gubyerno na “danger zones”. Nabuo ang Kasiglahan Village noong 2000 sa ilalim ng panunungkulan ni dating pangulo Joseph Estrada bilang pabahay para sa mga relocatees mula sa Ilog Pasig.

Apat na taon mula ng maitayo ang proyektong pabahay ay idineklara itong “danger zone” at hindi angkop para sa socialized housing project dahil sa bulnerabilidad nito sa pagbaha dulot ng tubig na magmumula sa kabundukan ng Sierra Madre at gayundin sa lindol mula sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology dahil ito ay malapit sa West Valley Fault Line. Ngunit, ipinagpatuloy pa rin ng New San Jose Builders ang pagtatayo nito kung saan ang pundasyon ng mga bahay ay mura at sub-standard na mga materyales lamang.

Ilang taon na tiwangwang ang kalakhan ng mga pabahay sa Kasiglahan hanggang sa taong 2016 ay isa si Ate Tata kasama ang higit 1500 na mga maralitang ang nag-okupa sa mga bahay na halos natabunan na ng matataas na talahib — kaya ang Kasiglahan Village ay tinagurian na ring Barangay Anakpawis.

Pabahay sa gitna ng karimlan? 

Isa si Ate Tata sa mga residente na sapilitang dinemolish matapos bigyang daan ng adminsitrasyong Aquino ang 50 neoliberal na proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership sa Kalakhang Maynila. Hindi binigyan ng prayoridad ng gubyerno ang maayos na pabahay sa siyudad na mayroon sapat na oportunidad sa hanapbuhay — sa halip, binuo ang mga pabahay sa pangunguna ng National Housing Authority (NHA) sa mga liblib at ilang na lugar, malayo sa kabihasnan, malayo sa kabuhayan. 

Hindi isinasaalang-alang ng pamahalaan ang paglalatag ng kongkretong solusyon sa sasaklaw sa batayang karapatan at serbisyong panlipunan ng mga maralitang lungsod. Kaakibat ng kapabayaang ito ay ang malawakang operasyon ng mga quarrying at crushing sites na pagmamayari ng mga dayuhang monopolyo kapitalista sa bayan ng San Mateo at Rodriguez, Rizal. 

Pagkilos ng mamamayan ng SIKKAD K3 para igiit ang katiyakan sa panirikan, Hunyo 30, 2020

Sa taong 2020, tinatayang humigit kumulang 15 dambuhalang quarrying companies ang mayroong aprubadong permit ng operasyon mula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at nakakasakop na lokal na pamahalaan. Malayang dinarambong ng mga quarrying companies ang Asencio-Pinzon Aggregates Corp., San Rafael Development Corp., Montalban Millex Aggregates Corp., Hardrock Aggregates, Inc. (HAI), Rapid City Realty and Development Corporation ang ating likas yaman habang ang ating mga kababayan mula Kasiglahan hanggang Kamaynilaan ay apektado ng matinding pagbaha. 

Tuwing nagkakaroon ng matinding pagbaha ay saka pa lamang naalarma ang DENR at naoobligang panandaliang isuspinde ang permits ng mga nasabing quarrying firms. Tulad na lamang noong Agosto 2018 matapos ang hagupit Habagat kung saan 18 quarrying at crushing firms ang sinuspende ng DENR ngunit makalipas ang dalawang buwan lamang ay binawi ang suspension order ng kagawaran at muli itong nagbalik operasyon. 

Isa sa 18 kumpanyang ito ang Monte Rock Corporation na pagmamay-ari ni Angelito F. Ignacio. Ang Monte Rock Corporation ang sumisira sa kalikasan at kabundukan ng San Mateo. Ang malawakang quarry ang siyang dahilan ng mabilis na pagdaloy ng tubig patungo sa paanan ng kabundukan at nagdudulot ng matinding pagbaha sa San Mateo, Rodriguez at Marikina City. Bukod sa rumaragasang tubig sa panahon ng bagyo ay may mga maari rin itong magdulot ng landslide at pagkaguho ng bato.

Danger zone na ngang ituring ang Kasiglahan Village ngunit pinasasahol pa ng mga pribadong korporasyon ang kalagayang ng komunidad. Sa halip na tiyakin ng gubyerno ang paborableng kondisyon sa loob ng pabahay, kinakasangkapan pa ng quaarying firms ang mga ahensya ng gubyerno upang iligalisa ang kanilang operasyon at ipagpatuloy ang pagsira sa ating kalikasan.

Maliban sa isyu ng quarry na dahilan na matinding pagbaha sa Kasiglahan ay nariyan din ang Wawa Bulk Water Supply Project na magbubuo ng Wawa Dam. Halos 30 taon natengga ang proyektong ito at naaprubahan lamang muli sa ilalim ng programang Build Build Build ng gubyernong Duterte. 

Nito lamang 2019 ay maalalang nakipagkasundo na ang Prime Metroline Infrastructure Holdings ni Enrique Razon at San Lorenzo Ruiz Builders and Developers Corp. ni Oscar Vialago sa konsesyong Manila Water Co. na isyang magsisilbing distributor ng tubig mula sa dam patungo sa Kamaynilaan. Samantala, ang pondo na gagamitin sa pagtatayo nito ay inutang na administrasyon sa BDO Unibank Inc.

Ang Wawa Dam ang nakikitang alternatibong solusyon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) na mapagkukuhaan ng kaukulang suplay ng tubig para sa Kamaynilaan. Kasabay nito desperasyon ng ahensya mula sa kontrobersyal at malakas na pagtutol ng mga mamamayan at katutubong Dumagat sa dapat sana’y pangunahing solusyon nito na China-funded at mega-dam project na Kaliwa Dam sa probinsya ng Quezon. Ang dalawang dam ay kapwa matatagpuan sa rehiyon ng Timog Katagalugan. 

Ang ₱24.5-billion project na ito ay magpapalayas at sisira sa kabuhaya ng mga magsasaka at katutubo sa Rodriquez, San Mateo and Antipolo City. Ang pagsasaayos at pagbabalik operasyon nito ay sasagasa rin sa pamumuhay ng mga residente sa Kasiglahan at karatig barangay sa bayan ng Rodriguez kung kaya’t kaalinsabay nito ang kampanyang panunupil at pananalasa ng elemento ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police na nagsisilbi ring security force sa mga lugar na pagtatayuan ng Wawa Dam.

Malinaw na ang pabahay ay mistulang nasa gitna ng karimlan. Ang palpak na proyekto ng nagdaang administrasyong Estrada ay higit pang pinasahol ang anti-mahirap na mga patakaran at neoliberal na proyekto ng administrasyon Duterte.

Ang Death Zone

Noong minsang makakwentuhan namin ang mga lider kung ano ba ang alam nilang plano sa Kasiglahan Village kung hindi pa ito patitirahan sa mga tao, ang pagkakaalam nila ay gagawin itong sementeryo. Ang Kasiglahan ay hindi na lamang danger zone kundi death zone na rin. 

Sabi nga ni Ate Tata, “Ang nangangailangan buhay, bakit ibibigay nyo sa patay?” 

Para sa mga miyembro ng SIKKAD K3, simple lang ang kanilang kagustuhan, maayos na linya ng tubig at kuryente, kabuhayan at kaseguruhan sa ligtas na panirikan. Aktibong lumalahok ang mga SIKKAD K3 sa mga pagkilos at programang naglalayon na maigiit nila ang kanilang karapatan sa batayang serbisyong panlipunan. Ngunit, ang kanilang mga lehitimong kahilingan ay binalewala ng gubyernong Duterte. Sa halip, sila ay tinuring bilang mga rebelde o kasapi ng NPA. 

Sa ilalim ng nilagdaang ni Pangulong Duterte na Executive Order No. 70 na nag-intitusyonalisa sa National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), patuloy na nakakaranas ng matinding harassment, red tagging, at surveillance ang kanilang samahan at iba pang mga residente sa Kasiglahan Village, Brgy. San Jose, Rodriguez, Rizal.

Nagsagawa ng misang bayan ang SIKKAD K3 laban sa matinding militarisasyon,  kahirapan dulot ng pandemyang Covid 19 at walang katapusang lockdowns, Hunyo 30, 2020.

Hindi na lamang bagyo o lindol ang kinatatakutan nila Ate Tata. Ang bawat kilos at galaw nila sa loob ng pabahay ay guwardiyado ng mga elemento ng estado. Makailang ulit na ipinatawag ang mga miyembro ng SIKKAD K3 kabilang si Ate Tata sa mga pakanang local peace engagements ng NTF-ELCAC kasama ang 80th Infantry Batallion ng Philippine Army. 

Sila ay sapilitang pinasusuko bilang mga kasapi ng NPA at binabantaan na kung hindi sila aamin bilang mga kasapi ng armadong grupo o magtuturo ng sinumang kasapi nito ay hindi sila mabibigyan ng maayos ng linya ng tubig, kuryente at hindi rin maigagawad ang mga bahay sa kanilang pangalan. Kung tunay na nagmamalasakit ang gubyernong Duterte para sa mga mahihirap, maagap dapat nitong pakinggang at lutasin ang kanilang mga kahilingan. Hindi ito kaiba sa kalagayan at nararanasan ng mga maralita sa Pandi, Bulacan — militarisasyon, matinding intimidasyon at harasment upang isuko nila ang kanilang paninindigan para kanilang karapatan bilang mga maralita. 

Makailang ulit na nananawagan ng suporta ang mamamayan ng Kasiglahan upang maimbestigahan at matigil na ang paghahasik ng terror ng mga pulis, militar at gubyernong Duterte sa mga maralita. Ngunit, mula sa regular na pgiikot ng mga trak ng militar sa kanilang komunidad, pagkuha ng litrato ng mga intelligence, at tahasang pagbabawal sa kanilang samahan na lumahok sa mga pagkilos sa labas ng pabahay, humantong na sa rurok ang karahasan ng NTF-ELCAC at mga nakapakat na militar sa mga maralitang lungsod. 

Marso 7, 2021 ng maganap ang Bloody Sunday Massacre (BSM) ay pinaslang ng pinagsanib ng pwersa ng AFP-PNP-CIDG ang dalawang kasapi ng SIKKAD K3 na sina Melvin “Greg” Dasigao, at Mark Lee “Happy” Bacasno. Sila ay kinaratulahan bilang mga armado, kasapi ng NPA at nanlaban katulad ng 7 pang biktima ng mala-tokhang na pamamaslang noong BSM, at katulad rin ng marami pang mga inosenteng lider masa at aktibista na pinaslang sa ilalim ni Duterte. 

Patuloy ang panawagan para sa husitsya ni Rose Salundaga, asawa ni Melvin Dasigao na pinasalang ng AFP-PNP-CIDG noong Bloody Sunday Massacre sa Kasiglahan Vilalge, Disyembre 9, 2021. 

Marahil ay ito ang tinutukoy nilang sementeryo. Desperado ang NTF-ELCAC na paslangin at ilibing ang paninindigan at nagkakaisang paglaban ng mga maralita sa pabahay. Binababaran ng NTF-ELCAC ang probinsya ng Rizal at tuluy-tuloy na nilunsaran ng mga Focused Military Operations at Retooled Community Support Program Operations (FMO-RCSPO) na ang katumbas ay walang-habas na harassment, intimidasyon, kampanyang pagpapasuko, panlilinlang at brutal na pamamaslang.

Nagpapatuloy ang laban

Sa kabila ng largado na kampanyang panunupil ng NTF-ELCAC sa Kasiglahan Village, at buong probinsya ng Rizal, hindi ito nagtatagumpay na demoralisahin ang palabang diwa ng mga miyembro ng SIKKAD K3 tulad na lamang ni Ate Tata.  

Mula noong 2020 na nananawagan ang mga kababaihan ng Kasiglahan na “Ayuda at Hustisya!” ay siya na ring bahagi ng kanilang mga panawagan ang hustisya para sa dalawang nasawaing miyembro na si Melvin at Mark Lee. 

Sa halip na epektibong lutasin ng gubyernong Duterte ang tumitinding kagutuman, tumataas na bilang ng mga nawalan ng trabaho, kinakailangang ayuda ng mamamayan sa panahon ng pandemya at muling pagsisimula upang makabangon sa nagdaang kalamidad, kinokonsentra nito ang lahat ng pagsisikap ng mga ahensya ng gubyerno sa ilalim ng whole-of-nation approach upang isakatuparan ang kontra-insurehensiyang programa sa balangkas ng E.O. 70.

Bagaman matindi ang militarisasyon at patuloy ang panlalansi ng mga elemento ng estado kaakibat matinding kahirapan dulot ng pandemyang Covid-19 ay hindi pinanghihinaan ng loob at sumuko ang mga miyembro ng SIKKAD K3. Sila ay nananatiling nakatindig tumindig nagpapatuloy sa kanilang nasimulang laban para sa karapatan at kaseguraduhan sa panirikan.

Para sa mga mamamayan ng Kasiglahan tulad ni Ate Tata, handa sila na makipagpatinetro sa checkpoint ng militar, para lumahok sa parliamento ng lansangan at makibahagi sa anumang larangan ng pakikibaka para sa karapatan, kapayapaan, at hustisyang panlipunan.  ###

Disclaimer: The opinions expressed in this article is that of the author only and do not necessarily represent the views of their organization nor of the CPDG.