Mangahas! Isulong ang Tunay, Palaban, at Makabayang Unyonismo!
Buong-pusong nagpapaabot ng pakikiisa at pagbati ang CPDG sa mga kasamang manggagawa ng Kilusang Mayo Uno (KMU) na matagumpay na nagtipon sa Baguio City para sa kanilang ika-13 Pambansang Kongreso mula 27-30 Hunyo 2025. Sa panawagang “Mangahas!”, binigyang-diin ng KMU ang di-matitinag na paniningdigan para sa tunay, palaban, at makabayang unyonismo—isang panawagan na lalong mahalaga sa harap ng papatinding krisis at panunupil ng estado laban sa mga mamamayang manggagawang nagsusulong ng kagalingan ng sektor at ng kanilang mga pamilya at pamayanan.
Kaisa ninyo ang CPDG sa panawagang labanan ang mga neoliberal na atake sa paggawa—mula sa kontraktwalisasyon, mababang sahod, red-tagging, hanggang sa tuluy-tuloy na pagkakait sa karapatan ng mga manggagawa na mag-unyon at magprotesta. Sa ganitong konteksto, lalong naging makabuluhan ang pagtitipon ninyong ito bilang pagkakaisa at paglaban ng uring manggagawa.
Bilang network ng mga organisasyon na isinusulong ang karapatang pantao, demokratikong pamamahala at pag-unlad na nakasentro-sa-tao, sinusuportahan ng CPDG ang inyong bagong Tatlong Taong Programa ng Pagkilos. Malinaw ang inyong direksyon: palawakin ang hanay ng manggagawa, patatagin ang ugnayan sa iba pang inaaping sektor, ilantad ang mga mapanupil na patakaran ng rehimeng US-Marcos Jr., at isulong ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba.
Bumabati din kami sa napakahalagang hakbang na pinagtibay ng Kongreso para sa karapatan ng mga manggagawang LGBTQI+, pati na sa pagkakahalal ng unang LGBTQI+ na Pangkalahatang Kalihim—isang patunay ng paglalim at paglawak ng inklusibong pakikibaka ng mga manggagawa.
Ipinapaabot din namin ang aming taos-pusong pagbati sa mga bagong pamunuan ng KMU—Jerome Adonis, Florentino “Pol” Viuya, at Mary Ann Castillo—at ang aming pinakamataas na pagpupugay kay Ka Elmer “Bong” Labog, na itinalagang Tagapangulong Emeritus. Ang kanyang mahigit apat na dekadang paglilingkod ay hindi matatawaran, at patuloy naming tinitingala bilang inspirasyon sa hanay ng mamamayan.
Hindi rin matatawaran ang saysay ng Kongresong ito dahil sabay nitong ginugunita ang ika-45 na anibersaryo ng KMU—ipinanganak noong 1 Mayo 1980, sa huling bahagi ng Batas Militar ni Marcos Sr. Sa loob ng halos kalahating siglo, naging matatag kayong haligi ng kilusang paggawa at ng mas malawak na kilusang masa—mula diktadura hanggang sa kasalukuyang panibagong anyo ng panunupil at pagsasamantala.
Sa CPDG, naninindigan kaming kasama ninyo sa pagtatanggol sa karapatan ng manggagawa, pagpapalawak ng demokratikong espasyo, at pagsusulong ng isang makatarungan, makatao, at makabayang lipunan.
Mabuhay ang uring manggagawa!
Mabuhay ang ika-13 Pambansang Kongreso ng KMU!
Pagpupugay sa ika-45 na taon ng militanteng paglilingkod sa bayan!
Isulong ang pambansang demokrasya na may sosyalistang perspektiba!
Sa pakikibaka at pagkakaisa,
Council for People’s Development and Governance (CPDG)