
Umakyat na sa 326 ang bilang ng magsasakang pinatay ng rehimeng Duterte. Nitong Abril 25, 2021, pinaulanan ng bala ng 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army ang bahay ni Danny Diamos sa Brgy. Jamorawon, Milagros, Masbate. Tinangay ng militar ang bangkay ng magsasaka kasama ng kaniyang 78-anyos na ina.
Ang Masbate ay saklaw ng Memorandum Order 32, isang polisiyang nagdeklara ng “state of lawless violence” sa Negros, Samar, at Bicol. Nagdulot ang deklarasyong ito ng ibayong militarisasyon sa mga bahaging ito ng bansa. Kasamang dumagsa ng mga batalyon ang redtagging, at kaakibat ng redtagging ang walang humpay na extra-judicial killings sa hanay ng mga magsasaka.
Si Danny ang ika-66 na magsasakang biktima ng politikal na pamamaslang sa bisa ng MO32. Bukod sa kaniya, may iba pang pinatay sa Camarines Sur: isang barangay kagawad sa Buhi, at dalawa pang sibilyan sa Iriga at Goa, parehong inakusahan bilang miyembro ng New People’s Army.
Bago sila, pinatay ng tambalang pulisya’t militar sina Fredo Binangkil at Julito Solano sa Sta. Catalina, Negros Oriental sa pamamagitan ng Synchronized Enhanced Managing of Police Operations (SEMPO) noong Marso 29. Sila naman ang ika-64 at ika-65 na magsasakang pinaslang ng MO32. Sa bisa rin ng MO32, dinampot ng 52nd IB ang dalawang magsasaka, sina Edwin Ramirez Moratal at Pablito Laperosa Libanan, sa Dolores, Eastern Samar bago magwakas ang Pebrero.
Usap-usapan na lang din naman ang pagbuwag sa National Task Force to End the Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil sa nakamamatay nitong pagwawaldas ng buwis sa redtagging, marapat lang din nating pag-usapan ang pagbabasura sa mga polisiyang pumapatay ng mga magsasaka. Bukod sa Executive Order 70, ang polisiyang nagtaguyod sa NTF-ELCAC, ang MO32 rin ay parang pabong nagbubukadkad ng plumahe para mapansin at ihawin.
Sa Bicol, 22 na ang magsasakang pinatay ng MO32. Sa Negros, 35. Siyam naman sa Samar. Ang bilang ng magsasakang pinatay ng MO32 mula nang ihain ito noong Nobyembre 22, 2018 ay 20% ng lahat ng magsasakang biktima ng politikal na pamamaslang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ibig nitong sabihin, sa kada limang magsasakang pinatay ng mga pasista, ang isa ay biktima ng MO32.
Maliit na porsyento lamang ng badyet ng pasismo ang P19B ng NTF-ELCAC. Ang buong makinarya ng pasismo ng estado ay pinaglaanan ng tumataginting na P501B sa badyet ng bansa sa taong 2021. Nilamon ng masibang kaban ng Department of National Defense, AFP, PNP, at NTF-ELCAC ang badyet para sa agrikultura na ngayo’y P99.6B na lamang sa 2021 badyet. Bakit 500% mahigit ang pondo ng mga berdugong nagtatanim ng pekeng ebidensya kumpara sa mga magsasakang nagtatanim ng pagkain ng bansa?
Oras na para ibasura ang MO32 at EO70, kabilang ang NTF-ELCAC at iba pang anti-pesanteng makinarya ng pasismo ng estado. Hindi katanggap-tanggap na habang nagugutom ang food security frontliners ng bansa ay binubusog ng rehimeng Duterte ang berdugong pulis at militar sa dugo ng mga magsasaka. Nasa katwirang patalsikin na ng sambayanan ang commander-in-chief ng mga pasista kung hindi arok ng kaniyang isip ang magbitiw sa poder.
Ibasura ang mga polisiyang pumapatay sa uring magsasaka! #JunkMO32! #JunkEO70! #DefundNTFELCAC!
Itigil ang pamamaslang! Katarungan, ipaglaban! #StopKillingFarmers! #StopTheAttacks on peasants!
#DutertePalpak! #DuterteResign! #PalpakResign! #OustDuterte!